Mga ahente ng NBI sa Davao, iniimbestigahan sa umano'y pangingikil

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 10:56 PM

Iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang empleyado nila sa Davao City matapos ireklamo ng pangingikil ng isang negosyante.

Inireklamo ng negosyanteng si Efren Aquino ang mga ahente ng NBI at si regional director Arnold Rosales matapos umano siyang hingan ng pera ng mga ito.

Ani Aquino, humingi ng P520,000 sina Rosales para umano hindi siya kasuhan ng human trafficking matapos ang raid sa kanyang bar sa Cabaguio Avenue sa Davao City noong Agosto 7 kung saan na-rescue ang ilang babae.

Ibinigay umano ni Aquino noong Agosto 8 ang hinihingi ng mga ito, ngunit laking gulat niya nang malamang kinasuhan pa rin siya ng NBI.

Noong Lunes, dumulog sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City para pa-imbestigahan ang nangyari, gayundin upang maghain ng pormal na reklamo.

Sinikap ng ABS-CBN News team na makuha ang panig ng NBI Region XI ngunit nasa Cebu umano si Rosales.

Sa pahayag na inilabas ng NBI, nagpadala na umano sila ng mga mag-iimbestiga sa insidente sa Davao City.

Ayon pa umano kay NBI Director Dante Gierran, mananagot ang sinumang mapapatunayang nagkasala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.