Aso natagpuang patay sa cargo ng isang airline company

Hazel Salas, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 10:37 PM

Kinuha mula sa Facebook page ni Geo Ong

Dismayado ang isang mag-asawa matapos makuhang patay ang kanilang aso sa cargo ng isang airline company nitong Linggo.

Nag-trending sa social media ang Facebook post ng dog breeder na si Geo Ong matapos ang insidente.

Umani ito ng mahigit 34,000 likes at mahigit 13,000 shares.

Makikita sa mga retratong ibinahagi ni Ong na matigas na ang katawan ng American Exotic Bully na si Hades.

Sinusubukan pang isalba ng asawa ni Ong ang aso pero hindi na ito gumagalaw at nakalaylay na rin ang dila nito.

Bagaman maraming sumuporta at nakisimpatya sa kanila, hindi pa rin umano sila titigil sa paghanap ng kasagutan kung ano nga ba ang dahilan kung bakit namatay sa courier ang asong nabili nila nang mahigit P100,000.

Sa kabila umano ng pakikipag-ugnayan nila sa airline company ay tila hindi umano sila binibigyan ng sapat na atensyon.

Ang ipinagtataka umano nila, may dalawa pang ibang hayop na buhay naman nang ilabas sa cargo.

Hiling nila na mas maging maingat ang cargo ng mga airline company at huwag pabayaan ang hayop kahit pa pumirma ng waiver ang shipper.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang pahayag ng cargo office ng naturang airline company pero hindi ito nagpaunlak ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.