TINGNAN: Selfie kasama ang malaking buwaya

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 08:57 PM

Photo courtesy of Dionisio Latawan

Pinaguusapan ngayon sa social media ang pagkuha ng selfie ng ilang netizen kasama ang malaking buwaya sa bayan ng Balabac, Palawan.

Mababasa sa mga komento sa post ni Dionisio Latawan sa facebook ang pagkagulat ng mga netizen sa kakaiba niyang selfie.

Ang lugar kung saan nakunan ang buwaya ay sa likod lamang ng Rabor Elementary School.

Malapit lang umano sa pampang ng ilog ang paaralan kaya maaaring ito ang tirahan ng buwaya.

Bagong salta umano si Latawan sa lugar kaya nagulat siya na tila normal na lang sa mga estudyante at mga nakatira doon na nakikitang umaakyat ang buwaya sa pampang.

Kapag ganitong mga panahon umano madalas na nakikita ang buwaya na tila nagpapahinga at paboritong tambayan ang lugar.

Hindi rin daw sila natatakot mag-selfie kahit nasa dalawang metro lang ang lapit sa buwaya dahil tulog naman daw ito.

Natuwa naman sa mga larawan ang direktor ng Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center o PWRCC na nangangalaga ng mga buwaya sa Palawan.

Pinapatunayan lang umano nito na hindi naman daw talaga dapat katakutan ang mga buwaya at pwedeng manirahan ng magkasama ang mga tao at ang ganitong hayop basta hindi lang nagpapakita nang pang-aabuso.

“Patunay na hindi talaga ganun ka-harmful ang mga buwaya. Dapat lang kasi talaga ay hindi sila pinapakialaman,” ani PWRCC Director Wilfredo Angeles.

Kailangan din umano ang ibayong ingat ng mga tao dahil malaki ang posibilidad na naghahanap ito nang makakain o ito ang kanyang basking area at hindi pwedeng maistorbo.

Magpapadala naman ang PWRCC ng team para sa information education campaign nang sa gayon ay mas maiwasan ang may masaktan sa mga tao o sa buwaya man.

Ang Balabac ay ang pinakadulong bayan sa timog ng Palawan na may mga sightings na ng buwaya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.