Suspek sa 'cellphone-sangla' modus kinuyog, inaresto sa Pasay

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:59 AM

MANILA - Kinuyog muna bago naaresto ang isang lalaking sangkot sa "cellphone-sangla modus" sa Pasay City, Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Mark Niño Migos na nagtamo ng malaking sugat sa ulo nang bugbugin ng taumbayan sa Barangay 43.

Ang siste, magbebenta ng nakasanglang cellphone ang suspek. Kapag nakuha na ang bayad sa biktima, hindi na ito magpapakita.

Isang alyas "Robin" umano ang binentahan ni Migos nitong Lunes ng P24,000-halagang cellphone sa halagang P1,200 lamang.

Nang makapagbayad na, dinala ni Migos si Robin sa Inquimboy Street at doon pinaghintay.

"Ako ang naloko niya. Maglabas daw ako ng pera para sa item at saka niya ibibigay sakin. Pero wala pa 'yung item," ani Robin.

"Sinabi nya sa 'kin na ang item ay maganda raw. Mahal daw pag sa mga mall at center bibili. Kailangan ko lang tubusin," dagdag nito.

Nagpumilit si Robin na sumama kay Migos pero nagbanta na ang suspek na sasaksakin siya. Dito na humingi ng tulong ang biktima.

Aminado ang suspek na 4 na beses na niyang ginawa ang modus operandi para magkapera.

Paalala ng awtoridad sa publiko, huwag basta-bastang magtitiwala, lalo sa hindi naman kakilala.

Nahaharap sa mga reklamong estafa (other form of deceit) at grave threat ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.