'Salisi' sa ospital sa Maynila arestado

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 10:35 AM

MAYNILA - Arestado ang isang lalaki na inirereklamong nagnakaw umano ng cellphone sa isang nagbabantay ng pasyente sa ospital.

Kinilala ang lalaking si Emerson Soriano na nagpakilala pa muna umano at nakipagkaibigan sa biktima.

Ayon sa biktimang si Miriam Coleta, mismong si Soriano ang lumapit at nakipagkaibigan sa kanya habang nagbabantay siya sa anak.

Nang iwan sandali ni Coleta si Emerson, agad umano nitong kinuha ang kanyang cellphone at nagmamadaling umalis sa lugar.

Pero agad napansin ni Coleta na nawawala ang kanyang cellphone kaya nakatawag siya sa mga guwardiya.

Mabilis na nahuli ang suspek bago pa man ito makalabas ng ospital. Paliwanag ni Soriano, natukso lamang siya kaya siya nagnakaw.

Kasong theft ang posibleng isampa laban sa suspek. -- Umagang Kay Ganda, Agosto 15, 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.