79 piraso ng kahoy, nasabat sa Maguindanao

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 04:48 PM

MAGUINDANAO - Nasa 79 piraso ng kahoy ang nasabat ng pulisya sa North Upi, Maguindanao.

Ayon sa North Upi Municipal Police Station, bandang 5:00 ng hapon noong Sabado nang makatanggap sila ng impormasyon na mayroon umanong nagaganap na illegal logging activity sa bahagi ng Barangay Kibucay sa North Upi.

Nang nagtungo ang mga pulis sa lugar, naaktuhan umanong ikinakarga sa isang pick-up truck ang abot sa 79 na piraso ng kahoy.

Inaalam pa ng mga pulis ang sinasabing nagmamay-ari umano ng mga kahoy na kinilala sa mga pangalang Evangeline, Rommel, at Alfonso.

Nasa kustodiya naman ng North Upi Police ang mga nasabat na kahoy.

Wala umanong maipakitang papeles ang sinsabing may-ari ng mga kahoy. Ipinapatupad ngayon sa buong rehiyon ang total log ban.

Nakatakdang i-turn over sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga nasabat na kahoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.