21 patay sa magdamag na anti-drug ops sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 02:23 PM | Updated as of Aug 16 2017 03:09 AM


"Normal" lang ang pagkamatay ng 21 hinihinalang drug users na umano'y nanlaban sa naganap na malawakang anti-illegal drugs operations sa buong lalawigan ng Bulacan, ayon sa awtoridad.

"If there were 22 or 25 operations conducted, ibig sabihin normal siya. Pero kung halimbawa, iyan ay single operation that resulted to that number of deaths, may titingnan po talaga," ayon sa tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Supt. Dionardo Carlos sa mga mamamahayag sa Camp Crame.

Ilan sa mga napatay ang nakilala sa mga alyas na Egoy, Tom, Enan, Justin, Berth, Alvin, Chris, Jerom, Yayot, Allan Tatô, Arnold, Willy, Jeffery, Elias, Eugene, Macoy, at isang Pugeng Manyak.

Umabot naman sa 70 katao ang naaresto sa operasyong ikinasa Lunes ng gabi hanggang Martes ng umaga.

"Nabanggit ko nga na maraming operations. It only shows na ang Bulacan, they're really doing their part in the anti-drug war," sabi ni Carlos.


Sabi ni Sr. Supt. Romeo Caramat ng Bulacan provincial police, pinagsama-samang buy-bust operation, pagsalakay sa mga drug den, at implementasyon ng mga search warrant ang isinagawang operasyon.

Narekober ng pulisya ang 100.25 gramo ng hinihinalaang methamphetamine hydrochloride o "shabu," 17 revolver, 2 improvised shotgun, isang 9mm pistol, at isang kalibre-.32 na pistol.

Iimbestigahan naman ng PNP Internal Affairs Service ang nasabing insidente upang matukoy kung may paglabag sa isinagawang operasyon. 

"Automatic po iyon kasi firearms were used...SOP (standard operating procedure) na po iyan para natitingnan kung mayroong paglabag o mali sa regulation ng PNP, natitingnan agad," dagdag ni Carlos.

Naitala ang mga nasabing operasyon sa mga bayan ng Malolos, San Jose del Monte, Marilao, Guiguinto, Sta. Maria, San Miguel, Norzagaray, Obando, Pulilan, Balagtas, Plaridel, Baliwag, Hagonoy, Bustos at Bulakan, Bulakan at Bocaue.

--Ulat nina Henry Atuelan at Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.