Failon Ngayon: Mali-maling Libro

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2018 10:06 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ang mga libro ay simbolo ng karunungan, nagsisilbing gabay ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Kaya naman maraming mga estudyante ang nagtatiyagang magbitbit ng mga mabibigat na libro sa kanilang bag makapag-aral lamang.

Pero paano kung ang mga impormasyon sa mga librong ito, mali-mali pala?

Ayon kay Ginoong Antonio Go isang Academic Supervisor na nagsusuri ng mga librong ginagamit sa mga eskwelahan, taon-taon na lang daw ay may nakikita siyang mga maling impormasyon sa mga textbooks na ito. Ang masakit pa raw, hindi kailanman itinama ang mga mali sa mga librong ito.

Ilan sa mga maling impormasyon sa mga libro na kumakalat sa internet at nagviral ay ang mga sumusunod:

1. Banana Rice Terraces na dapat ay Banawe Rice Terraces
2. Ang thermometer na sa halip na mercury ang laman ay tubig daw.
3. Ang retina ng mata, naging kurtina ang paglalarawan.
4. Ang Roxas Boulevard naging Bulabar Roxas
5. Sa Batangas raw makikita ang malaking bahagi ng itlog.

Ayon kay Ginoong Go, sa Grade 3 Araling Panglipunan pa lamang daw ay may 1,308 na errors na siyang nakita. Kaya naman kung susuriin pa ang ibang libro baka umabot pa ang mga kamaliang ito ng libo-libo. Bakit tila hindi ito napapansin ng publisher at ng pamunuan ng DepEd? Dagdag pa ni Ginoong Go sana ay may Textbook Review Board para magsuri ng mga libro.

Ayon naman kay Rey Vargas miyembro ng Parent Advocacy for Children’s Education o PACE, nakapanlulumo ang mga kamaliang ito sa mga librong ginagamit ng ating mga kabataan at posibleng maka-apekto sa pagkatuto ng mga bata.

Sa panig naman ng Department of Education, Ayon kay Usec. Annalyn Sevilla , dumadaan sa evaluation ang mga aklat bago ito malimbag at maging libro. Pero sa ngayon ang mga ginagamit sa mga paaralan ay hindi textbook kung hindi mga “kagamitan ng mag-aaral” o learning materials para sa mga estudyante. Ayon kasi sa batas hindi kasi pwedeng magpublish ang DepEd ng mga textbook. Habang hinihintay ang mga nanalong supplier at contractor ng mga textbook ay gumawa muna sila ng alternatibo gaya ng pagbili ng mga learning material. Dagdag pa ni Usec. Sevilla, buti nga raw at napapansin ito ng mga magulang ng mga estudyante dahil sa edukasyon hindi lamang gobyerno ang dapat magbigay ng tamang edukasyon, katulong din ang mga magulang ng mga estudyante.

Sa ngayon ay hinihintay na ng DepEd ang mga biniling textbook mula sa mga nanalong publishing house at under review na rin ang mga learning materials na may mga maling impormasyon.
Sa mga kumakalat na kamaliang ito sa mga learning material at mga textbook, sino nga ba ng dapat managot dito? Dahil sa huli, dapat pa ring isaalang-alang ang kapakanan ng mga estuyanteng gumagamit ng mga aklat na ito para sa paghubog ng kanilang karunungan at hindi pagkatuto ng mga mali-maling impormasyon.

_________

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng I Can See Your Voice
11:00 ng gabi sa ABS-CBN!

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, http://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa http://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant tv! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwanttv.com