'Total war' vs Maute group, ideneklara ng mga alkalde ng Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 05:51 PM

Nagdeklara na ng "total war" ang lahat ng 41 alkalde ng Lanao del Sur laban sa grupong Maute.

Pumirma sa manifesto ang mga alkalde na nagsasabing kalaban ng mga taong Maranao ang grupo ng Maute at mga tagasuporta nito.

Hiling nila kay Pangulong Rodrigo Duterte, payagan ang kanilang mga opisyal sa barangay na magdala ng baril para labanan ang mga terorista na maaaring umatake sa mga bayan ng probinsiya sa labas ng Marawi.

Ani Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Provincial Crisis Committee, pinapakilos na ng lokal na gobyerno ang lahat ng sektor at stakeholder para magsanib-puwersa sa paglaban sa mga maling itinuturo sa mga kabataan, pati na ang banta ng terorismo. 

Samantala, nagdulot naman ng unti-unting pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisda sa Lanao del Sur ang ipinatupad ng mga militar na 'fishing lockdown' sa Lanao Lake habang nagpapatuloy ang bakbakan.

Naiulat na halos 10 miyembro ng Maute ang nakapagpapalakas ng kanilang grupo sa pagpasok sa Marawi sa pamamagitan ng 340-square-kilometer na Lanao Lake.

Ipinapatigil ng militar ang kahit na anong fishing operation sa Lanao Lake magmula 5 p.m. hanggang 6 a.m. sa susunod na araw. Maaari lamang silang mangisda tuwing umaga pero daing ng mga mangingisda, tuwing gabi lang sila makahuhuli ng malalaking isda.

Isa sa mga apektado ang mangingisdang si Musa Grandi na nakaasa sa mga hipon ang ikinabubuhay. Aniya, tuwing gabi lang siya makahuhuli ng hipon. 

"Kung pwede sana bigyan kami ng oras. Tulad ng ganito, hindi naman pwede ibenta o kunin ng alas syete (7 a.m.) dahil 'yung hipon kapag maarawan, patay na 'yan, hindi na maibebenta," aniya.

Ayon sa mga militar, kailangan nilang i-lockdown ang Lanao Lake para maiwasan ang pagpasok ng 'Maute reinforcements' o mga takas mula Marawi na maaaring samantalahin ang kadiliman ng gabi.

"Sila po ay may ginagawang 24/7 patrol sa lake at strategically they are deployed para maiwasan mabantayan ang pagpasok at paglabas ng mga boats na andyan," ani Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi.

"There had been a meeting with local chief executives ng towns around the lake to ask their help dahil itong bagay na ito ay hindi kaya na military lang ang mag-address" aniya

"Kung may papasok o lalabas dadaan pa rin 'yun sa mga towns around the lake. We are asking for the help of the mayors and their constituents para tulungan kami i-address. huwag nila payagan na may lumbas o pumasok sa area nila na maaring papunta o lumabas sa main battle area," dagdag ni Petinglay.

Pahayag ni Balindong Mayor Benjamin Bagul, nakaapekto sa libo-libong mangingisda sa Lanao del Sur ang isinagawang lockdown.

"If this will prolong pa, may gagawin tayo na mga interventions. Halimbawa, cash for work, gagawa tayo ng mga infrastructures at sila ang ihaha-hire din natin," ani Bagul.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.