Presyo ng delatang sardinas, nagbabadyang tumaas

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 05:49 PM | Updated as of Aug 13 2017 09:36 PM

Nagbabadyang tumaas ang presyo ng delatang sardinas sa merkado dahil sa tigil-produksiyon ng ilang kompanya ng delata sa Zamboanga City.

Ayon kay Edgar Lim, miyembro ng Industrial Group of Zamboanga Inc., may ilang kompanyang isang linggo nang huminto ang operasyon dahil wala nang magamit na 'coal' na kailangan para painitin ang kanilang boilers.

Tumigil na kasi sa pag-iisyu ng transport permit ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga Sibugay sa mga lokal na nangangalakal ng coal.

Ani Lim, hindi rin nila batid ang isyu sa pagitan ng coal traders at lokal na pamahalaan, pero dahil sa biglaang pagkawala ng magsu-supply ng coal sa kanilang negosyo, lubhang apektado ang kanilang produksiyon ng delata.

Sa ngayon, kumuha na sila ng 3,000 metriko toneladang coal mula sa Semirara Mining and Power Corp.

Pero dahil sa Antique pa manggagaling ang coal, asahan nang ipapasa sa mga mamimili ang dagdag gastos sa pagbiyahe ng coal papuntang Zamboanga City.

Bukod sa produksiyon ng delata, apektado rin ang tinatayang 30,000 trabahador ng mga kompanyang nagtigil-operasyon muna.

Tinagurian pa namang "sardines capital" ang Zamboanga city dahil doon nanggagaling ang 70% ng supply ng delatang sardinas sa bansa. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.