Mga nakilahok sa clean up drive sa Manila Bay, dumami

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 02:31 PM

Mahigit 800 indibidwal mula sa iba't-ibang parte ng Luzon ang nakilahok sa Manila Bay clean up drive ng grupong Alpha Phi Omega kaninang umaga bilang munting hakbangin nila para mapanatili ang kalinisan sa kapaligiran.

Nalampasan ng grupo ang target na 500 kalahok para sa taunang paglilinis kaya taos puso silang nagpasalamat sa mga dumalo.

Nasa 60 pick up truck naman ang na-deploy sa lugar para maghakot ng mga basura.

Ayon kay Joel Ian Moralde, ang regional director ng Alpha Phi Omega, taunan nilang ginagawa dati ang clean up drive ngunit ngayon, sisikapin na nilang maging kada 4 na buwan o quarterly ito.

Bukod pa dito, pinakiusap din ni Moralde sa publiko na iwasan sana ang pagtatapon ng basura sa karagatan nang sa gayon, makita pa ng mga susunod na henerasyon ang kagandahan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.