Dalagitang naki-piyesta natagpuang hubad, patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 03:52 PM

LIBON, Albay - Hinihinalang ginahasa ang isang 17 na taong gulang na batang natagpuang patay at hubad sa isang abandonadong bahay sa bayang ito, Sabado ng hapon. 

Ayon sa ama ng bata, Biyernes pa ng hapon nang magpaalam ang anak na makikipiyesta sa Barangay Salvacion, pero hindi na ito nakauwi. 

Sa parehong barangay nakita ang bata na wala nang buhay, nakahubad at puno ng tama ang ulo mula sa matigas na bagay. 

"Di ko na nga nilapitan pero alam ko anak ko 'yun. Iyung cellphone niya nasa kubeta," sabi ng ama ng dalagita. 

Dinala sa Legazpi City ang bangkay para matiyak kung ginahasa ang Grade 11 na biktima. 

Blangko pa ang pulisya sa kung sino ang responsable sa krimen. 

Nanawagan sila sa mga magulang na huwag payagan ang mga anak, partikular ang mga menor de edad, na dumalo sa mga piyesta. 

"'Pag mga malalayong lugar, wag nang payagan ang mga bata lalo't madilim na. Sa bahay na lang para makaiwas sa ganitong pangyayari," ani PO2 Maribel Maronilla. 

Humingi naman ng tulong ang pamilya sa mga posibleng nakakita sa pangyayari na makipagtulungan sa mga awtoridad. -- Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.