700 pamilya nasunugan sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2017 09:46 AM

MANILA - Nawalan ng tirahan ang 700 pamilya makaraang masunog ang isang residential area sa Barangay Maysilo, Malabon Sabado.

Pasado alas-7 ng gabi sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa Remegio Street, ayon kay Chief Inspector Jay Penas.

Nakatayo ang mga magkakadikit na tirahang gawa sa light materials malapit sa ilog kaya may tubig sa ilalim ng mga ito.

Sinubukan pa ng mga residente na buhusan ng tubig ang apoy, pero mabilis itong kumalat.
 
Natupok ang 300 bahay bago nakontrol ang sunog bandang alas-9 ng gabi.

Karamihan sa mga residente ay mga damit lamang ang naisalba at naiwanan na ang ibang mga kagamitan pati na mga alagang hayop. Nananatili ang karamihan sa kanila sa gilid ng kalsada.

Nagtamo naman ng minor injury ang 2 residente.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog na sumira sa tinatayang P600,000 halaga ng ari-arian. -- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.