Paglala ng bird flu, di agad inireport: Gov. Pineda

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 02:30 PM

Sinisi ni Pampanga Gov. Lilia Pineda ang ilang poultry farm sa bayan ng San Luis sa paglala ng sitwasyon sa nangyaring bird flu outbreak dahil hindi umano nila agad nai-report ang insidente sa lokal na pamahalaan.

“May kasalanan din 'yung mga poultry farms doon, hindi nila ini-report, itinago nila. Ang nangyari, nung hindi na nila kaya, saka lang sila nag-report. Baka hindi nila alam kung ano 'yung bird flu,” ayon kay Pineda.

Sa panayam sa DZMM Sabado ng umaga, sinabi ni Pineda na namatayan ng 38,000 na manok ang poultry farms pero maling paraan umano ang ginawa nilang pag-dispose sa mga manok kaya kumalat pa ang virus.

Nauna nang kinumpirma ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na 37,000 na ibon, kabilang ang mga pugo at pato, ang namatay sa bird flu sa anim na poultry farms sa bayan ng San Luis. 

“Binaon nila tapos sinunog. Hindi naman tama dahil lalong kumalat yung mikrobyo. May lalim pala 'yan,” sabi ni Pineda. 

Ipinagbigay-alam lamang sa kapitolyo ang insidente noong malala na ang sitwasyon at 'di na alam ng poultry farms ang kanilang gagawin.

“Humihingi ako ng dispensa kasi hindi namin kasalanan 'yan, hindi nila sinabi. 'Yung mayor din, hindi rin niya alam,” sabi ni Pineda.

Dagdag pa niya, may in-house veterinarian ang nasabing poultry farms. Giit niya, dapat alam ng beterinaryo kung ano ang gagawin.

“Ginamot nila, pero namatay pa rin,” banggit niya. 

Ngayon, apektado ang buong poulty industry sa loob ng isang kilometrong radius, sabi ni Pineda.

“Sabi ni Secretary Piñol, stay put lang kayo. 'Wag kayong magpapalabas, 'wag kayong magbebenta. Titingnan muna natin kung baka kayo nadamay na din,” ayon kay Pineda.

Nagdeklara na ng state of calamity si Pineda sa buong lalawigan kahit pa sa bayan lang ng San Luis ang outbreak ng bird flu.

“Kaya ako nag-declare ng state of calamity, para titingnan namin lahat, [ang buong] poultry industry sa Pampanga. Tatawagin namin 'yung mga poultry stakeholders and then mga vet (veterinarian) nila, tatanungin namin sila kung sila may ganyan na ring kaso,” paliwanag niya. 

Babawiin din umano ang mga lisensiya at ipasasara ang mga poultry farm na magsisinungaling sa tunay na estado ng kanilang mga alagang manok.

“Maging honest lang po tayo. Sana magtapatan lang po tayo na siguraduhin niyo na 'yung mga farm niyo ma-certify natin na free kayo sa bird flu para hindi maapektuhan yung negosyo niyo,” aniya.

Panawagan din ni Pineda sa mga kababayan niya na huwag matakot dahil may mga aksiyon naman silang ginagawa.    

“Sana po 'wag kayong mag-panic, sa bayan ng San Luis 'yun pong may bird flu at inaksiyunan naman namin kasama 'yung Department of Agriculture. Huwag po kayong matakot, kinordon na namin yun at may checkpoint na po doon,” sabi ni Pineda.

Ayon sa Department of Health, wala pang naitatalang pagkahawa ng tao matapos ang pagtama ng bird flu outbreak sa Pampanga. 

Ligtas pa rin umanong kumain ng karne ng manok at itlog dahil nakukuha lamang ang sakit kung direktang may contact sa may sakit na manok o iba pang ibon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.