Nasawing mga Parojinog, isasailalim sa autopsy

Cris Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 07:28 PM

Ipagpapaliban na muna ng pamilya Parojinog ang pagpapalibing sa mga nasawing kaanak sa raid ng pulisya noong Hulyo 30 dahil isang pribadong ahensiya ang magsasagawa ng autopsy ngayong Lunes.

Hindi muna pinangalanan ng pamilya ang ahensiyang magsasagawa ng autopsy sa mga labi nina dating Ozamiz City mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog Sr., asawang si Susan at mga kapatid na sina Octavio at Mona.

Isang necrological service para sa nasawing alkalde ang isinagawa ng mga empleyado ng city hall sa Barangay San Roque, Sabado ng hapon. 

Hindi nakadalo si acting mayor Irene Luansing dahil nasa Cebu pa ito para tumanggap ng award, pero dumalo si acting vice-mayor Michael Tagal.

Ilang miyembro naman ng pamilya Parojinog ang hindi napigilang umiyak nang panoorin ang mga alaala ni Mayor Aldong sa isang video.

Nakaplanong ilibing ang mga nasawing miyembro ng pamilya Parojinog sa Mount Malindang Memorial Park sa Ozamiz City matapos ang isang misa sa Immaculate Conception Cathedral.

Nasawi ang dating alkalde at 15 pang iba matapos umanong manlaban habang inihahain ng mga operatiba ang anim na search warrant noong Hulyo 30, sa Barangay San Roque Lawis, Ozamiz City.

Tinanggihan ng korte ang pagbisita ng mga anak ng nasawing alkalde na sina Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr. sa burol at libing ng mga kaanak nito.

Sila ay nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms and ammunition, at possession of dangerous drugs.

Kasalukuyan silang nakadetine sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.