Mga checkpoint itinalaga sa Pampanga kasunod ng bird flu outbreak

Kate Cunanan, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 01:31 PM | Updated as of Aug 12 2017 04:03 PM

Nakatalaga na sa bayan ng San Luis, Pampanga ang mga checkpoint kaugnay ng napabalitang bird flu outbreak sa bayan. Kate Cunanan, ABS-CBN News

SAN LUIS, Pampanga (UPDATE) - Ipinuwesto na dito ang dalawang animal quarantine checkpoint matapos makumpirma ang unang bird flu outbreak sa bansa.

Nakatalaga na sa magkabilang entry at exit point ng Barangay San Carlos dito sa bayan ang mga checkpoint kung saan iniinspeksyon ang lahat ng klase ng sasakyang pumapasok at lumalabas sa barangay.

Video by Gracie Rutao, ABS-CBN News

Ito ay upang masiguro na walang makakalabas na anumang klase ng ibon na hinihinalang nagdadala ng avian flu virus mula sa nasabing lugar.

Nakatalaga na sa bayan ng San Luis, Pampanga ang mga checkpoint kaugnay ng napabalitang bird flu outbreak sa bayan. Kate Cunanan, ABS-CBN News

Nitong Biyernes, kinumpirma ni Agriculture Sec. Emmanuel Piñol ang unang bird flu outbreak sa San Luis.

Aniya, 6 na poultry farm sa Barangay San Carlos at Santa Rita ang 
apektado ng outbreak, kung saan 37,000 na ibon, kabilang na ang mga pugo at pato, ang namatay dahil sa virus. 

Sinimulan naman Sabado ng hapon ang pagpatay sa mga ibon sa idineklarang quarantine area. Nauna nang sinabi ni Piñol na halos 200,000 na ibon sa apektadong lugar ang nakatakdang patayin. 

Patuloy naman na binabantayan ng Department of Health ang bayan ng San Luis upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.