Dalagita, pinatay, hinihinalang hinalay sa Pangasinan

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 02:20 PM

Laking gulat ng mga magulang ng isang dalagita nang matagpuan ang kanilang anak na nakahandusay at wala nang buhay sa isang damuhan sa Bugallon, Pangasinan noong Hulyo.

Kinilala ang biktima na si Vanessa Amansec. 

Kuwento ng kanyang ama na si Romeo Amansec, nagpaalam pa sa kanya ang dalagita na pupunta ito sa computer shop para gumawa ng assignment noong Hulyo 19 ng gabi.
 
“Nakita ko na lang na talagang nakatuyangyang [ang katawan]. Hubo’t hubad na,” paglalarawan ni Romeo.

Kuwento ng mga magulang ng dalagita, masipag at matulungin ito at marami pa sanang pangarap na nais makamit.

“Gusto ko mag-titser, Pa.’ Sabi niya eh. ‘Bahala ka sa kung anong kurso mo, sa gusto mo.’ Gusto niya matulungan niya 'yung mga kapatid niya at saka kaming mga magulang [niya], maiahon sa hirap,” kuwento ni Romeo.

Samantala, agad pinuntahan ng mga awtoridad ang lugar kung saan natagpuan ang dalagita at sinabing maaaring hinalay ang biktima. 
 
“We proceeded to the place kung saan natagpuan namin kaagad 'yung isang babae na hubo’t hubad,” ayon sa Bugallon Pangasinan-Philippine National Police Chief na si C/Insp. Francisco Castillo.

“Sa obserbasyon namin, nakita ko na hubo’t hubad siya. Possible na victim ito ng rape.”
 
Sundan ang detalyadong pagsisiyasat sa kaso ng paghalay at pagpatay kay Vanessa Amansec ngayong Sabado sa SOCO (Scene of the Crime Operatives), 4 p.m. sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.