Bautista, kinasuhan ang asawa, abogado ng paglabag sa cybercrime law

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 04:12 PM | Updated as of Aug 12 2017 08:46 PM

MANILA - Naghain ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista laban sa kanyang asawang si Patricia Bautista, abogadong si Lorna Kapunan, at iba pang 'John Does' dahil sa umano'y pagbubukas ng kanyang e-mail nang walang paalam. 

Isinampa ang kaso alas-4 ng hapon ng Biyernes sa Taguig City Prosecutor's Office, ayon sa abogado ni Bautista.

Ang reklamong ito ay kaugnay pa rin ng umano'y pag-ransack ng kampo ni Mrs. Bautista sa mga gamit ng Comelec Chair, kung saan nakuha ang mga passbook, mga dokumento, pati na ang iPad na pagmamay-ari ni Bautista. 

Nabuksan din umano ng kampo ni Mrs. Bautista ang ilang e-mail ng asawa, at ang mga ito ang ginagamit ngayon na ebidensiya laban sa Comelec chair sa alegasyong mayroon itong P1 billion na hindi deklaradong yaman.

Ito na ang ikalawang kasong inihain ng kampo ni Bautista laban sa kanyang asawa. Ang una ay isinampa noong Agosto 8 para sa mga reklamong grave coercion, robbery, qualified theft, at grave threat. 

Pinag-aaralan pa ng kampo ni Bautista ang iba pang kasong puwedeng isampa laban sa kanyang asawa at mga abogado nito. 

Inakusahan ni Mrs. Bautista ang Comelec chair ng pagkakaroon ng umano'y P1 bilyong kayamanan na hindi isinaad sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth. 

Mariin naman itong itinanggi ni Bautista, at sinabing magpapa-press conference ito sa tamang panahon upang sagutin ang mga paratang.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.