4 na bihag ng Maute group, lumangoy sa Lanao Lake para makatakas

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2017 06:09 PM | Updated as of Aug 12 2017 09:00 PM

Nakatakas ang apat na bihag ng Maute group sa Marawi City matapos lumangoy ng isang kilometro sa Lanao Lake hanggang sa na-rescue sila ng Philippine Navy nitong Sabado.

Kuwento ng mga nakatakas na hostage, sila ang ginawang tagaluto ng mga terorista sa isang masjid sa loob ng halos tatlong buwan.

Dagdag na nila, buhay pa ang bihag na si Fr. Chito Suganob at pinagsisilbing taga-ipon ng pulbura para sa mga improvised na bomba.

Mahigit 40 pang hostage ang naiwan kabilang ang 20 babae na ginagahasa umano ng mga miyembro ng Maute group, na higit dalawang buwan nang nakikipagbakbakan sa mga tropa ng gobyerno sa Marawi City.

Nasa 20 pa umano ang lumalabang Maute sa masjid kasama ang dalawang foreign terrorists.

P1 milyon halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa checkpoint ng Lanao–PNP

Samantala, 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P1 milyon ang halaga ang nahuli ng Philippine National Police sa isang checkpoint sa bayan ng Lumbayanague, Lanao del Sur.

Hawak ngayon ng pulisya ang apat na suspek na umaming mga pusher. 

Galing anila sa Maynila ang mga droga.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung paano nakapasok sa lugar ang droga.

Wala naman umanong kaugnayan ang mga suspek sa mga terorista mula sa Maute group o sa Islamic State.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.