ALAMIN: Paano humingi ng tulong kung nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 03:57 PM | Updated as of Aug 11 2018 04:09 PM

Babae, lalaki, at maging bata ay maaaring maging biktima ng seksuwal na pang-aabuso.

Sa National Baseline Study on Violence against Children ng UNICEF Philippines, lumabas na 1 sa 5 batang edad 13 hanggang 24 ang nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso.

Nakapagtala naman ang Philippine National Police—Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ng 231 biktima ng male rape sa unang anim na buwan ng 2018.

"Karamihan ng mga nangyari nito is mostly sa mga highly urbanized regions. 'Yung nakita natin na nanguna dito, kasama na dito 'yung Region 4A, Region 3, NCR," ayon kay William Macavinta, hepe ng PNP-WCPC.

Ilan sa mga palatandaan sa biktima na nakaranas ng seksuwal na pang-aabuso ang pagkakaroon ng pasa, pagdurugo sa puwitan, at paika-ikang paglalakad.

Pero hindi lahat ng pang-aabuso ay nag-iiwan ng bakas na pisikal. Kung mapansing may pagbabago sa pag-uugali ang kasama, agad kausapin.

"Kapag nagahasa ka, hindi mo kahihiyan 'yun. Kahihiyan 'yun nung nanggahasa sa'yo. Kaya kahit mapait man, kailangan talaga you have to face the crisis or the situation in a very dignified manner," ani Dr. Cristina Rosello, isang clinical psychologist.

"Hindi talaga dapat ikahiya, dapat wag ding mahiya humingi ng tulong sa mga professionals, psychologist, psychiatrist, sa mga awtoridad, wag ikahiya 'yun. At if possible, seek justice. Wag mong itago kasi kapag tinago mo 'yun you suffer in silence," dagdag ng doktor.

Maaaring humingi ng tulong sa DSWD-NCR Ugnayan Pag-asa Crisis Intervention Center sa mga numerong (02) 734-8639, (02) 734-8654, at (02) 734-8626 to 27.

Maaari ding tumawag sa NBI-Violence against Women and Children Desk sa 523-8231 to 38 at 525-6028.

Sundan ang “Red Alert” sa Facebook (fb.com/RedAlertABSCBN) at Twitter (@ABSCBNRedAlert).
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.