4 pasahero ng tumirik na yate sa West PH Sea, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2018 05:38 AM

BATANGAS CITY - Nasagip nitong Huwebes ang 4 na pasahero ng isang yate matapos silang ma-stranded sa bahagi ng West Philippine Sea.

Dumating sila sa Batangas Pier nitong Biyernes at agad isinailalim sa medical check-up.

Kuwento ni Rodillo Pamaybay, kapitan ng yate, nagpalutang-lutang sila sa dagat ng 2 araw matapos tumirik ang yate.

Naglayag sila mula Hong Kong noong Agosto 6 patungong Pilipinas nang masiraan ng makina.

"Nagkaroon ng trouble 'yung steering. Trinouble namin then sabi namin okay puwede na 'ito, puwede nang patakbuhin. Nung pinatakbo namin, 'yung starboard engine naman 'yun nag-alarm," aniya.

Isang distress call mula sa yate ang na-pick up ng Hong Kong Maritime Rescue Coordination Center at naipasa ang impormasyon sa Philippine Coast Guard.

"Nakipag-coordinate rin kami sa RCC sa Singapore, Hong Kong MRCC, Taiwan RCC, and even the Chinese RCC. So 'yun nagkatulong-tulong," ani Capt. Artemio Abu, commander ng Coast Guard District Southern Tagalog.

Nitong Huwebes, isang cargo vessel na patungong Batangas port ang tsansang nakakita sa yate.

Dito sinubukang hilain ang yate pero matindi ang nasira nito bunsod na rin ng malakas na alon. Iniwan nalang ang yate at isinakay ang 4 na pasahero.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga nailigtas, gayundin ang kanilang pamilya.

"Maraming, maraming salamat po sa lahat ng effort na ginawa po ninyo," ani Irine Clark, asawa ng isang crew. - Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.