3 lalaki, 2 menor de edad huli sa umano'y drug session sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 12:52 PM

Timbog ang 3 lalaki matapos mahulihan ng droga sa Makati, Huwebes ng gabi.

Mga baraha at mga sachet ng umano'y shabu ang nakuha ng mga pulis sa isang bahay sa Barangay Rizal nang pasukin nila ito.

Inireklamo sa kanila ang ingay ng mga nagsusugal umano sa bahay sa MH Del Pilar street, kaya nila ito pinuntahan.

"Pagpasok namin, nadatnan naming may nagre-repack ng shabu at 'yung iba, gumagamit ng shabu,” ayon kay Chief Inspector Gideon Ines. 

Nasa harapan naman ng ilang gumagamit ng ilegal na droga ang dalawang menor de edad.

Arestado ang may-ari ng bahay na si Michael Ternida maging sina Christopher Santos at Benjamin Dala.

Isinama rin sa presinto ang dalawang binatilyong edad 14 at 16.

Ang depensa ng mga naaresto, nagbabaraha lamang sila at wala umanong drug session. Dagdag pa nila, ang mga bata ang may dala ng shabu.

Kahaharapin ng apat ang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act habang ang mga menor de edad naman ay ibinigay na sa pangangalaga ng barangay. Umagang kay Ganda

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.