Police station sa Northern Samar, nilusob ng NPA

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 09:33 AM | Updated as of Aug 10 2018 05:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

LAPINIG, Northern Samar (3rd UPDATE) - Nilusob ng hinihinalang mga miyembro ng New People's Army (NPA) ang municipal police station sa bayang ito, Biyernes ng madaling araw, kung saan sugatan ang dalawang pulis.

"There were about 100, more or less 100 communist terrorists who tried to overrun the Lapinig police station, but they were not able to take control, although they were able to get some equipment," pahayag ni Senior Superintendent Benigno Durana, tagapagsalita ng Philippine National Police, sa panayam sa ANC.

Mabuti na lamang at gising ang mga pulis at nagawa nilang maipagtanggol ang estasyon.

Umabot naman sa 30-minuto ang bakbakan sa pagitan ng mga pulis at mga miyembro ng NPA.

Nasugatan sa bakbakan sina PO2 Jerry Quilicol at PO1 Edison Aguire.

Tumakas ang mga rebelde patungong kabundukan ng bayan ng Arteche, Eastern Samar.

Kasalukuyang nasa lugar na rin ang mga sundalo para tumulong sa paghabol sa nakatakas na mga rebelde.

Sinibak naman ng oversight committee ng pulisya si Chief Supt. Mariel Magaway bilang direktor ng Region 8 police matapos ang insidente. 

Itinalaga namang officer-in-charge si Chief Supt. Dionardo Carlos mula sa Philippine National Police Aviation Security Group. 

Tuloy pa rin ng imbestigasyon ang Northern Samar Police Provincial Office.

--kasama ang ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.