Mga estudyante, umaaray na rin sa inflation

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 09:11 PM

Kasalo ni Jarson sa hapag-kainan ang 25 pa niyang kamag-anak kaya naman isang pandesal lang ang agahan niya. Screenshot

Umaaray na rin ang mga estudyante sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin kaya’t iba’t ibang diskarte na ang ginagawa nila para maibsan ang kakulangan sa pera.

Kasunod kasi ng pagtaas ng pasahe sa jeep, naglalakad na lamang si Catherine Beron para may mabiling pagkain.

Kung dati kasi ay P 6.50 lamang ang pasahe sa jeep, pumatak na ito sa P7.20. 

“Mahal na po ang bilihin. Hindi ka na makabibili sa canteen ng pagkain na tigpi-piso...Tubig mga ganun na lang,” aniya. 

May iba ring nagbabaon na lamang tulad ni Christina Sapida para hindi niya magastos ang P50 niyang allowance. 

Minabuti na lamang ng senior high school student na itabi ang kaniyang pera para may pang-print ng kaniyang requirements. 

Wala ring takas ang Grade 1 student na si Jarson, na pati pagbuhos ng tubig panligo at paggamit ng shampoo at sabon ay apektado rin ng inflation.

Kasalo ni Jarson sa hapag-kainan ang 25 pa niyang kamag-anak, kaya naman isang pandesal lang ang agahan niya.

Kuwento ng kaniyang lola na si Bendita Jaramil, nasasakripsyo rin ang nutrisyon ng bata. 

“Minsan nga sabi ko payat-payat niyo na, itlog pa kayo nang itlog. Biruin mo minsan tatlong beses maghapon itlog lang kinakain,” aniya. 

Hindi na rin muna sumasakay ng pedicab si Jarson at naglalakad na lamang papuntang eskuwelahan. 

Kaniya-kaniyang pagtitipid ang mga estudyante dahil 'yun muna ang magagawa nila habang wala pa silang trabaho at umaasa pa sa magulang.

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.