Mga armadong lalaki at mga guwardiya, nagkagulo sa isang hotel sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 04:19 PM

Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang magkaibang grupo ng mga security guard matapos magbarilan sa isang hotel sa Lapu-Lapu City.

CEBU CITY – Nahinto pansamantala ang operasyon ng isang hotel sa Lapu-Lapu City matapos na magkagulo ang dalawang magkaibang grupo ng mga guwardiya, Biyernes ng umaga.

Lumabas sa imbestigasyon na alitan sa pagmamay-ari ng hotel ang dahilan ng pagpapadala ng 33 armadong lalaki para dis-armahan ang mga gwardiya sa hotel ngunit nauwi ito sa barilan.

Sugatan si Albert Elola matapos tamaan sa kaliwang dibdib. Isa siya sa mga gwardiyang sumugod sa hotel.

Ayon kay Atty. Gerry Carillo, legal counsel ng majority shareholder ng hotel, magsisilbi lang sana ang mga grupo na kabilang sa isang security agency ng order na papalitan na ang mga security guard ng hotel. Sila sana ang papalit sa mga naka-duty na guards.

Hindi na nagbigay pa ng pahayag ang may-ari ng hotel, pero ayon kay Atty. Carillo maghaharap ang dalawang kampo para maresolba ang gusot. 

Nasa kustodiya na ng Lapu-Lapu City Police Office ang mga armadong lalaking pumasok sa hotel at ang mga gwardiyang naka-duty nang mangyari ang gulo. 

Wala namang naiulat na guest o staff ng hotel na nasugatan. 

Karagdagang pulis ang nakatalaga ngayon sa loob at labas ng hotel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.