Lalaki pinagbabaril sa Davao City, patay

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 07:00 PM | Updated as of Aug 10 2018 07:21 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Mineral Village, Barangay 19-B, Biyernes ng umaga. 

Ayon sa pulisya, papasok ng trabaho si Mark Anthony Tolentino, 38, nang sabayan at barilin siya ng salarin. Tinamaan ang biktima sa batok at tagiliran. 

Napag-alaman naman mula sa misis ni Tolentino na may mga natatanggap na itong banta sa text tatlong linggo na ang nakalilipas. 

“Ang motibo ani, ma'am, inggit sa trabaho kay daghan man gud na sila latero, pero siya ang ginakuha,” ayon kay Jocelyn, misis ng biktima.

(Ang motibo nito maam ay inggit sa trabaho dahil marami silang latero pero siya ang laging kinukuha.)

Ayon kay Chief Inspector Benkalin Baluan, deputy commander ng isang estasyon ng pulisya sa Davao, posibleng work-related ang motibo sa pamamaslang.

Paliwanag ni Baluan inireklamo na noon ang biktima dahil sa hindi tinapos na trabaho bilang isang latero.

“Gina-background check nato ni siya, kay di man gud ni siya taga-Davao, taga Pampanga ni siya. Kung trabaho ang hisgutan medyo badlungon ni siya. Naay rekord sa among estasyon nga nagreklamo sa iyaha kay naay back job,” aniya

(Gagawa tayo ng background check dahil hindi ito taga-Davao, taga-Pampanga ito... Kung trabaho ang pag-uusapan medyo pasaway ito, may rekord sa aming estasyon na nagreklamo sa kanya dahil may back job na trabaho.)

Tiniyak naman ng pulisya na isolated case lamang ang nangyari at walang dapat ikabahala ang publiko dahil hindi ito makakaapekto sa seguridad na ipinatutupad sa Kadayawan Festival.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.