Dapat sibakin? Domiguez may sagot sa banat ng isang ConCom member

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 07:03 PM

Bumuwelta si Finance Secretary Sonny Domiguez sa birada ni Consultative Committee (ConCom) member Fr. Ranhilio Aquino na dapat daw silang sibakin ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Ito'y matapos umanong tuligsain ng dalawang kalihim ang draft federal Charter na binalangkas ng ConCom. 

Ayon kay Dominguez, hindi sila kontra sa pederalismo bagkus ay isinisiwalat lamang nila ang mga maaaring epekto nito sa ekonomiya.

"We never stated that we are against federalism. Rather, with respect to the fiscal provisions of the proposed Constitution, there are ambiguous provisions on revenue assignment and there are no provisions on expenditure assignment...especially when the possible repercussions could result in dire, irreversible economic consequences," paliwanag ni Dominguez.

Matatandaang sinabi ni Dominguez sa isang Senate hearing na sa "impyerno" ang bagsak ng credit rating ng bansa sakaling maipatupad ang panukalang federal charter.

Si Pernia naman ay nagkaroon din kamakailan ng pahayag kung saan sinabi niyang maaaring makasama ang pederalismo sa pinansiyal na katayuan ng bansa.

Dahil dito, hindi na napigilan ni Aquino na ibuhos ang inis kina Domiguez at Pernia.

"If he (Duterte) favors federalism, let him sack Dominguez and Pernia or command them to keep their traps shut."

Ayon pa kay Aquino, dapat liwanagin ng Pangulo ngayon pa lang kung pabor pa rin siya sa pederalismo.

Dagdag naman ng isa pang ConCom member na si Edmund Tayao, di sila nagkulang na konsultahin ang economic managers ng Pangulo.

Pero paniniguro ng Malacañang, suportado ng gabinete ang pederalismo.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.