2 sundalo patay, 4 sugatan sa engkuwentro sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2018 11:30 PM | Updated as of Aug 11 2018 04:10 PM

(UPDATE) Patay ang dalawang sundalo habang sugatan ang apat na iba pa matapos makasagupa ang New People’s Army (NPA) sa bayan ng Jones, Isabela, nitong Biyernes.

Ayon kay Captain Jefferson Somera, spokesperson ng 5th Infantry Division, nagsasagawa ng combat patrol ang isang pulutong ng 502nd Brigade nang makasagupa nila ang hindi pa matukoy na bilang na mga rebelde.

Nasawi sina Sgt. Magno Bagioan at Private 1st Class Romeo Mayos. Nakaburol ngayon ang kanilang mga labi sa Camp Melchor Dela Cruz sa Barangay Upi, bayan ng Gamu.

Sugatan naman sina 1st Lt. Joshua Barrio, Sgt. Arnold Mangawit, Private 1st Class Gilbert Pablo at Private 1st Class Novel Maramag. Patuloy silang ginagamot sa ospital sa loob din ng kampo.

Naglunsad na rin ng pagtugis ang mga sundalo sa mga tumatakas na rebelde.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.