Paliwanag ni Bautista sa SALN, 'tunog-Corona': eksperto

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:07 PM | Updated as of Aug 11 2017 12:17 AM

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman Andres Bautista sa "Headstart" ng ANC nitong Miyerkoles, Agosto 9, kung bakit hindi nakadeklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang sinasabi ng misis niyang si Patricia Bautista na umano'y tagong yaman ng opisyal.

Nakadeklara ang halagang P176,300,000 sa 2016 SALN ni Bautista, pero alegasyon ng kaniyang misis, mahigit P1 bilyon ang itinatago niyang yaman.

Ayon kay Bautista, hindi niya isinama sa SALN ang perang pag-aari ng kaniyang mga magulang at kapatid at dati niyang pinangasiwaan bilang treasurer o ingat-yaman ng kanilang pamilya.

Pero ayon sa legal at governance expert na si Tony La Viña, dapat pa ring isama ng opisyal sa kaniyang SALN ang lahat ng asset na may pangalan niya.

Hindi pa man napapatunayan ang authenticity o pagiging makatotohanan ng mga papeles na hawak ni Patricia, sinabi ni La Viña na may nakikita siyang pagkakapareho sa paraan ng pagpapaliwanag ni Bautista kung bakit may mga hindi nakadeklara sa kaniyang SALN, at sa paliwanag dati ng yumaong Supreme Court Chief Justice Renato Corona nang siya'y maharap sa impeachment.

Sinabi noon ni Corona na hindi niya idineklara ang ilang asset na nakapangalan din sa misis.

Hindi iyon tinanggap ng Senado.

Nitong Huwbes, Agosto 10, dumalo sa misa si Bautista kasama ang mga empleyado ng Comelec na nagpakita ng suporta sa kanilang pinuno. Sa isang panayam, sinabi ni Bautista na balak niyang lumiban na muna sa trabaho at ipaubaya na lang sa Korte ang kaniyang kaso.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.