Nurse, patay sa sunog sa Davao

Francis Magbanua, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 01:45 PM

Patay ang isang nurse matapos na sumiklab ang apoy na ikinatupok ng 5 bahay sa Davao City Huwebes ng madaling araw.

Nagising na lamang ang mga residente ng Father Selga Street sa Barangay 8-A sa sunog dakong alas-3 ng madaling araw.

Agad nilang inilabas ang kanilang mga kagamitan habang patuloy na kumalat ang apoy sa kalapit na mga bahay.

Ayon kay Arson investigator FO3 Terezo Oyzon, posibleng mula sa overloaded na koneksiyon sa bahay ng isang Ruben Maceren nagmula ang apoy.

Nadiskubre naman ang bangkay ng biktima habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga fire investigator. Ang biktima ay nagtatrabaho sa isang pribadong ospital sa Davao at isa sa mga border ni Maceren.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire and Protection upang malaman din ang halaga ng naabong ari-arian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.