Motorista kinuyog nang makasagasa ng menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 08:40 AM | Updated as of Aug 10 2017 11:52 PM

MANILA - (UPDATED) Bugbog-sarado ang isang lalaki matapos makabangga ng isang menor de edad at kuyugin ng hindi pa nakikilalang grupo sa Barangay Palanan, Makati Huwebes. 

Ayon sa mga nakakita, minamaneho ng motoristang si Michael Lastima, 27, ang kanyang Toyota Grandia nang mabangga at makaladkad niya ang motorsiklong sinasakyan ng 17-anyos na binatilyo sa Arellano Street. 

Nakatalon naman ang teenager mula sa motorsiklo kaya nakaligtas ito at nagtamo lamang ng mga galos sa paa. 

Hindi umano bumaba si Lastima mula sa kanyang sasakyan kaya sinundan siya hanggang sa Kalayaan Avenue ng grupong rumesponde sa aksidente. 

Dahil sa galit, binasag umano ng grupo ang salamin ng van, kinaladkad si Lastima palabas at saka binugbog. 

Agad namang rumesponde ang isang medical team kay Lastima. 

Patuloy ang imbestigasyon hinggil sa insidente. -- Ulat nina Lyza Aquino at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.