Mga rebelde, bukas sa tigil-putukan pero may kondisyon

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 03:19 PM

Handang pumayag sa tigil-putukan ang mga komunistang rebelde kung magkakasundo sila ng gobyerno sa mga reporma sa agraryo at sa pambansang industriyalisasyon, anila bilang bahagi ng pagkumbinsi sa Pangulong Rodrigo Duterte na bumalik sa pakikipagnegosasyon sa kanila. 

Kasalukuyang nasa 'suspended animation' o nakahinto nang hindi pa tuluyang winawakasan ang mga peace talk, ayon kay Fidel Agcaoili ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) matapos ianunsiyo ng pangulo na hindi na siya makikipag-usap sa mga rebelde. 

"Ang problema nga sa kanya is kita mo 'yung style nya, pabugsu-bugso siya e," ani Agcaoili.

Dagdag pa niya, makukumbinsi ang NDFP panel na pumirma sa bilateral ceasefire o tigil-putukan sa parehong kampo sakaling mag-ayon ang dalawang partido sa mga repormang agraryo at sa pambansang industriyalisasyon.

"Alam naman ni Presidente 'yun. Hindi talaga kami papayag na magkaroon ng ceasefire, bilateral, na walang agreement on reforms."

Ang mga reporma sa agraryo, kasama na rito ang libreng pamamahagi ng lupa, at ang industriyalisasyon sa mahahalagang sektor ng bansa ay nasa sentro ng negosasyon sa comprehensive agreement on social and economic reforms (CASER).

Nakatuon din ang negosasyon sa mga politikal at konstitusyonal na reporma. Nag-alok din ang mga rebelde na 'magtayo' ng isang republikang pederal. 

Layon ng CASER na tugunan ang sanhi ng may kalahating siglong rebelyon na naging mitsa ng pagkawala ng libo-libong buhay. 

Gayumpaman, sinabi ni Duterte na hindi na siya makikipag-usap sa mga rebelde dahil na rin sa mga pag-atakeng ginawa ng New People's Army sa puwersa ng gobyerno sa kabila ng nagpapatuloy noon na mga negosasyong pangkapayapaan. 

Hindi na rin nagkaroon ng mga impormal na pag-uusap sa gobyerno ang mga rebelde mula noong nakaraang buwan, ayon kay Agcaoili. 

Sa kabila nito, nakikita pa rin ng mga rebelde ang posibilidad na matuloy pa rin ang mga negosasyon dahil na rin sa naging desisyon ng pangulo na kausapin ang mga nagprotesta sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 24. 

Hiniling dito ni Duterte na bigyan siya ng panahon upang matupad ang kanyang mga pangako sa loob ng nalalabing limang taon ng kanyang termino.

Hindi pa rin nagpapadala ng sulat ang gobyerno ukol sa pormal na pagpapatigil ng peace talks. Wala pa ring sinisibak ang pangulo sa mga miyembro ng Gabinete na iminungkahi ng mga rebelde. 

"That means it's possible that there could be a resumption of the talks," ayon kay Agcaoili. "Siguro kailangan magpalamig muna si Presidente."

Kinikilala din ni Agcaoili na nais ng pangulo na magkaroon ng mga reporma sa bansa. 

"Kung ano ang puwede niyang ibigay, pag-usapan natin, dalhin natin sa peace negotiations," ayon kay Agcaoili.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.