Duterte sinilip ang piitan ni De Lima

Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 03:46 PM


MANILA - Dinaanan ni Pangulong Rodrigo Duterete nitong Miyerkoles ang Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, kung saan nakakulong si Senator Leila De Lima, kritiko ng kanyang giyera sa ilegal na droga. 

Pumunta sa Camp Crame ang Pangulo para dumalo sa 116th Police Service Anniversary at command conference. 
 
Ani Duterte, ninais niyang bistahin si De Lima, pero malayo ang selda nito sa PNP Sports Center kung saan isinagawa ang kanyang dinaluhang selebrasyon. 

"Nagpunta ako doon sa crame, sinilip ko ‘yung presuhan niya. Pssssttt. Gusto kong sabihin o… malayo man. Nagpunta ako sabi ko, saan na ‘yung g*** na ‘yun? Doon dinala ako," sabi ng Pangulo sa isang talumpati. 

Hindi naman nakaligtaang banatan ng Presidente ang European Union na nagsusulong na isailalim na lang sa house arrest ang mambabatas na kanilang tinawag na "prisoner of conscience." 

Nakulong si De Lima dahil sa isyu ng pagiging protector umano nito sa mga bilanggong sangkot sa ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison. 

Mariing pinabulaanan ni De Lima na sangkot siya sa pagbebenta ng ilegal na droga at tinawag na "political persecution" ang kaniyang pagkakakulong. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.