Driver ng QCPD official huli sa pangingikil sa pamilya ng drug suspek

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 04:13 PM | Updated as of Aug 10 2017 04:47 PM

Ilang 'kasabwat' na pulis sibak sa puwesto 

MANILA - Inaresto Huwebes ang driver ng isang station commander ng Quezon City Police District (QCPD) matapos umanong mangikil ng pera kapalit sa pagbaba ng kaso laban sa isang drug suspect. 

Kinilala ng police Counter-Intelligence Task Force (CITF) ang suspek bilang si Joseph Ruallo, driver ni QCPD Station 5 commander Supt. Bobby Glen Ganipac. 

Ayon sa CITF, inutusan ng ilang miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si Ruallo na makipagnegosasyon sa mga magulang ng isang drug suspek. 

Humingi umano si Ruallo ng P50,000 para mapababa ang kaso ng suspek, pero natawaran siya at bumaba ito sa P15,000. 

Dinakip ang driver matapos tanggapin ang marked money mula sa mga magulang ng suspek sa Commonwealth Avenue, malapit sa headquarters ng QCPD-5. 
 

Kinilala naman ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang mga pulis na kasabwat umano ni Ruallo bilang sina SPO3 Marlo Sammy, PO3 Henry Tingle, at PO1 Marlon Fajardo. 

Pansamantala silang tinanggal sa puwesto at inilapat sa holding unit habang iniimbestigahan. 

Na-relieve din mula sa puwesto si QCPD-5 chief Ganipac dahil sa isyu ng command responsibility. -- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.