27 mangingisda, timbog sa paggamit ng dinamita sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 10:39 PM

Ayon sa pulisya, naaktuhan nila ang dalawang bangkang nangingisda gamit ang dinamita. Busuanga Police handout photo

Arestado ang 27 mangingisda mula sa Batangas sa iligal na pangingisda gamit ang dinamita sa karagatang sakop ng Busuanga, Palawan nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, naaktuhan nila ang dalawang bangkang nangingisda gamit ang dinamita o "bongbong".

Nang paparating ang mga awtoridad, naihagis ng mga suspek ang mga iligal na kagamitan sa dagat.

Nakatakas ang anim na tripulante matapos sumakay ng isang maliit na bangka. Kabilang sa nakatakas ang kapitan ng isa sa dalawang bangka.

"Mabilis silang nakasakay sa mabilis nilang bangka. Hindi na namin sila mahabol kasi mas priniority namin na makuha yung mother boat nila," ani police Sr. Insp. Dhenies Acosta ng Busuanga Municipal Police.

Tumambad naman sa mga awtoridad ang humigit kumulang apat na toneladong iba’t ibang klase ng isda.

Nakatakdang suriin ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para makumpirma kung positibo ito sa dinamita.

"Subject for test na 'yung mga isda ngayong umaga. Karamihan mga dalagang bukid and then yung malalaking talakitok," ani Acosta. 

Nahaharap ang mga nahuli sa paglabag sa Fisheries Code of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.