10 Vietnamese poachers, nasampahan na ng kaso sa Palawan

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 05:20 AM

Paliwanag ng mga suspek, napadpad lang daw sila sa karagatang sakop ng Pilipinas dahil sa sama ng panahon.

PALAWAN - Nasampahan na ng kaso ang 10 Vietnamese na nahulihan ng 70 piraso ng mga pating ng Philippine Navy sa Tapyutan Island, bayan ng El Nido, Palawan noong Agosto 8.

Huwebes ng hapon nang dalhin ang mga ito sa lungsod ng Puerto Princesa para ipresinta sa piskal sa paglabag sa Section 91 ng Republic Act 10654 o Poaching in Philippine Waters.

Idadaan naman sa regular filing ang pagsampa ng kaso na paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

"Upon the advise of our fiscal, mahirap nang ihabol yung pangalawang kaso sa inquest kasi nga i-identify pa ng expert 'yun (mga pating) sa El Nido,” ani ni Rey Templonuevo, officer in charge ng Provincial Fisheries Office sa norte ng Palawan.

Samantala, matapos na kausapin ng public attorney ay nagdesisyon ang mga suspek na hindi sila maghahain ng counter-affidavit.

"If they try to ask for a reinvestigation what place will they stay? And besides, who will be the one who will provide for their daily food? They had no choice, “ ani ni Tran Dung Minh, ang interpreter ng mga suspek.

Paliwanag ng mga suspek, napadpad lang daw sila sa karagatang sakop ng Pilipinas dahil sa sama ng panahon.

"They do know that they (already entered) the Philippine waters, afraid (of) harm...they looked for some place to seek for safety,” paliwanag ni ni Minh.

Depensa ng mga ito, hindi sa Pilipinas nahuli ang mga naturang pating at galing daw ito sa high seas at parteng sakop pa ng Vietnam.

Hinuhuli nila ang mga pating para ibenta na siya namang ginagamit upang gawin umanong gamot.

Pansamantalang ikinostodiya ang mga suspek sa Palawan Provincial PNP at sa Biyernes aasikasuhin ng mga awtoridad ang kanilang commitment order upang mailipat sila sa Palawan Provincial Jail.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.