10 Vietnamese poachers huli sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 09:04 PM

Photo courtesy of Naval Forces West-FF15

Sampung Vietnamese poachers ang nahuli ng Philippine Navy sa karagatang sakop ng Tapyutan Island malapit sa bayan ng El Nido, Palawan nitong Martes.

Nadiskubre ng Navy forces mula sa BRP Gregorio del Pilar ang nasa 70 piraso ng mga pating na nakabalot na umano sa plastic, at ilan pang gamit sa pangingisda.

Mahal umano ang bilihan ng shark fins sa international market dahil ginagamit itong sangkap sa ilang mga putahe.

Pero gaya umano ng pawikan, balyena at iba pang buhay ilang ay kasama ang mga pating sa protected wildlife.

Napansin umano ng Philippine naval ship na palutang-lutang ang sasakyang pandagat ng mga Vietnamese na mahigpit na ipinagbabawal sa lugar.

Nang sitahin ng Navy ay nagtangka umano itong tumakas.

Sasampahan ng Provincial Fisheries Office ang Vietnamese poachers ng paglabag sa Section 91 ng Republic Act 10654, o kasong poaching in Philippine waters.

Pag-aaralan din umano ng mga awtoridad ang iba pang kasong nilabag ng mga Vietnamese gaya ng illegal fishing at ang paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Inaasikaso na rin umano ang paghahanap ng interpreter para sa mga Vietnamese para mas mapadali ang komunikasyon at ang proseso sa korte.

Wala pang ibinibigay na pahayag ang Provincial Committee on Illegal Entrants na namamahala sa mga kasong kinasasangkutan ng mga dayuhan sa Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.