1 umanong pusher patay, 3 iba pa timbog sa buy-bust sa Valenzuela

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2018 07:07 PM | Updated as of Aug 09 2018 08:57 PM

MANILA - Patay ang isang lalaki na tulak umano ng ilegal na droga habang 3 iba pa ang arestado sa ikinasang buy-bust operation sa Valenzuela City, Huwebes.

Naaresto ang mga suspek sa Barangay Lingunan kung saan nagpanggap ang isang pulis na bibili ng ilegal na droga, sabi ni Chief Inspector Jowi Bilaro na miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Valenzuela Police.

Sa gitna ng transaksyon ay natunugan umano ni alyas "Toto" na pulis ang bumibili ng droga kaya nagpaputok ito ng baril, sabi ni Bilaro.

Giit ni Bilaro, kinailangan dumepensa ng mga pulis kaya't nabaril ng mga ito si alyas "Toto."

Dinala pa sa ospital si alyas "Toto" pero agad ding binawian ng buhay.

Nahaharap ang 3 iba pang lalaking naaresto sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.