Testimonya ng misis, di magagamit vs Comelec chair?

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:50 PM | Updated as of Aug 10 2017 04:12 AM

Sinalag ng kampo ni Patricia Bautista ang kasong isinampa laban sa kanya ng mister na si Commission on Elections (Comelec) Chair Andres Bautista.

Naibigay na ng kampo ni Patricia sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dokumento tulad ng mga passbook sa bangko na makapagpapatunay umano sa P1 bilyong hindi maipaliwanag na yaman ni Chairman Bautista.

Matapos ang kanyang exposé laban sa asawa, mawawala na muna sa mata ng publiko si Patricia, ayon sa abogado at spokesperson niya na si Lorna Kapunan.

Pero itutuloy ni Patricia ang kasong isinampa laban sa mister na lumabag umano sa Anti-Violence Against Women and Children Act.

Ayon kay Kapunan, hindi makikialam si Patricia sa usaping impeachment laban sa kanyang asawa at bahala na raw ang gobyerno rito.

Pahayag ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kahit pa magkaroon ng settlement ang nag-aaway na mag-asawa, hindi mapipigilan ang impeachment case kung ito ang kauuwian ng imbestigasyon ng NBI.

Pero duda si dating Justice Undersecretary Jose Justiniano sa bigat ng testimonya ng isang tao laban sa kanyang asawa.

Halimbawa rito ang isang naging kaso sa Korte Suprema na hindi pinayagang maging testigo laban sa isa't isa ang mag-asawa.

"Kung papayagan mo 'yan, mag-asawa na nakakakuha ng impormasyon in confidence, tapos papayagan mong mag-testify against the other spouse, wala namang kasong pending ay bina-violate mo 'yung right to privacy at saka 'yung essence ng marriage," ani Justiniano.

Iginiiit din ni Justiniano ang sinabi ng Korte Suprema na hindi rin puwede ang ebidensiyang nakuha sa drawer o cabinet dahil sa pagdududang may pagtataksil na nagaganap.

Sa ilalim ng batas o ng tinaguriang 'marital privilege', kapag masangkot ang kabiyak sa isang ilegal na gawain at maimbitahan ang asawa niyang magbigay ng pahayag, hindi siya maaaring puwersahin ng awtoridad na magbigay ng testimonya laban sa kabiyak. 

Pero ibig sabihin din nito, maaaring tumanggi ang asawa na tumestigo kahit pa magiging pabor ito sa kaniyang kabiyak.

Nakasaad din sa batas na hindi maaaring magamit laban o pabor sa asawa ang lahat ng kanilang napag-usapan at nalalaman sa loob ng relasyon. --Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.