Sapilitang pagpapasuot ng 'takong' sa mga empleyada, pagbabawalan ng DOLE

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:24 AM | Updated as of Aug 10 2017 11:46 PM

MAYNILA - Pag-aaralan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbabawal sa sapilitang pagpapasuot ng high heels sa mga babaeng empleyado, partikular ang mga saleslady.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bukod sa sapilitang pagpapasuot ng "takong" sa saleslady, dapat lang ring payagan silang maupo habang naka-duty at bigyan ng sapat na pahinga.

"Madalas kung napapansin mo, kapag ako ay nagmo-mall, wala akong makitang salesgirl na nakaupo, isa ring dapat pag-aralan yun," paliwanag ni Bello sa Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN.

Sinabi ng kalihim na kakausapin niya ang mga taga-Occupational Safety And Health Center para bisitahin ang mga mall na ito at tingnan ang sinasapit ng mga empleyado.

Giit pa ni Bello, hindi na kailangan ng batas para ipag-utos ang pagbabawal ng sapilitang pagpapasuot ng takong at puwede na itong administrative command.

Pero aniya kakausapin pa rin niya ang kanyang mga opisyal at iba pang kinauukulang ahensiya para pag-aralan kung paano ilalabas ang kautusang ito.

Pag-aaralan din aniya ng DOLE ang ilang kompanyang nagbabawal sa mga guwardiya na maupo habang sila ay naka-duty. Marami pa umano silang gustong gawing reporma para sa mga obrero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.