Pulis, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:21 AM

DAVAO DEL NORTE – Patay ang isang pulis matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Panabo City Miyerkules ng umaga.

Nakilala ang biktima na si SPO2 Orlando Badar, nakatalaga sa Paquibato Police Station sa Davao City.

Sakay ng motorsiko ang biktima nang pagbabarilin ito sa kahabaan ng Barangay Malitbog dakong alas-8 ng umaga. Ayon sa awtoridad, galing bayan ng Sto. Tomas ang biktima at patungo sanang Panabo City.

Tinangay din ng mga salarin ang service firearm ng pulis.

Wala pang pahayag ang Davao City Police hinggil sa insidente dahil patuloy pa nilang iniimbestigahan ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.