Puerto Princesa mayor, mananatili sa puwesto dahil sa 'Aguinaldo Doctrine'

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:59 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Mananatiling alkalde ng Puerto Princesa si Mayor Lucilo Bayron matapos katigan ng Court of Appeals ang apela nito sa kasong serious dishonesty at grave misconduct na ibinaba ng Office of the Ombudsman.

Base sa 18-page ruling ng Sixth Division ng Court of Appeals na inilabas nitong Agosto 8, ang muling pagkakahalal sa isang opisyal sa pamamagitan ng eleksyon ay patunay na pinatawad na ang pagkakamaling ginawa nito sa nakaraan niyang termino, base umano sa Aguinaldo Doctrine.

Nang isampa ang kaso ay muling nahalal si Bayron matapos ang recall election noong Mayo 8, 2015. Noong panahong iyon, gumagana pa ang Aguinaldo Doctrine.

Dahil dito, ang pagkakahalal kay Bayron ay naglilinis sa kanya sa mga posibleng nagawang paglabag sa nakaraan nitong termino at hindi na ito maaring gawing basehan para maalis siya sa puwesto,

Ibang usapin umano kung nahalal lamang si Bayron noong May 2016, dahil napawalang bisa na ang Aguinaldo Doctrine noong Abril 2016.

Kaya ang hatol ng Court of Appeals, nakagawa ang Office of the Ombudsman ng desisyong maaaring baligtarin.

Dahil dito, iginawad ang petition for review sa kaso pabor kay Bayron.

Binaliktad at isinantabi ng korte ang naunang desisyon ng Ombudsman noong Nobyembre 18, 2016, kung saan dinismiss ang kasong serious dishonesty at grave misconduct.

Una nang inutos ng Ombudsman na i-dismiss si Bayron at ang anak nitong si Karl matapos mapatunayang guilty sa kasong serious dishonesty at grave misconduct dahil sa service contract sa pagitan ng Puerto Princesa at ni Karl para sa posisyon nito sa Bantay Puerto mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 31, 2013.

Nakasaad dito na tatanggap si Karl ng buwanang sweldo na P16,000. Si Mayor Bayron ang tumatayong kinatawan ng Puerto Princesa City sa kontrata, ngunit hindi idineklara sa kontrata na mag-ama ang dalawa.

Pebrero 10 nang ma-dismiss si Mayor Bayron. Noong Hunyo 14, mula serious dishonesty at grave misconduct ay binago ng Ombudsman ang desisyon at ginawa na lamang simple dishonesty ang kaso ni Bayron.

Sa halip na dismissal ay hinatulan na lamang ng tatlong buwang suspensiyon ang alkalde, na nakabalik sa puwesto noong Hunyo 22.