'Kawatan' na nag-Boracay, timbog dahil sa Facebook

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:15 PM

Arestado sa pamamagitan ng Facebook ang wanted na empleyada ng isang travel agency dahil sa umano'y pagnanakaw ng halos P7 milyon sa kompanya.

Naging susi ang mga larawan mula sa Facebook na ipinakita ni alyas "Jessica" upang matunton ang kinaroroonan ng 33 anyos na si Leslie Jurilla.

Ipinakita ni "Jessica"" sa ABS-CBN News ang retrato ni Jurilla habang nasa Boracay nitong weekend.

Wanted si Jurilla mula Enero 2017 dahil sa kasong qualified theft. Umabot sa P6.5 milyon ang halagang ninakaw niya umano sa pinapasukang travel agency.

Inaresto si Jurilla sa bisa ng arrest warrant. 

Inilipad siya mula Aklan papuntang Maynila at dinala sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Southern Police District (SPD).

Ayon sa complainant na si "Jessica", higit 10 taon nang empleyado ng travel agency nila si Jurilla at pinagkatiwalaan siya nang lubos ng kompanya.

Modus umano ni Jurilla ang hindi pagre-remit sa mga na-refund na tickets at switching ng mga transaksiyon. Nabisto aniya ito nang magreklamo ang isang top client ng ahensiya.

Napag-alaman din na gumagamit si Jurilla ng mga pekeng pangalan.

Tumangging sumagot si Jurilla kung bakit gumagamit siya ng iba-ibang pangalan ngunit iginiit niya na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanya ng kanyang mga amo.

Pero ayon kay "Jessica", hindi lang isa kundi limang beses na umanong nahuling nagnanakaw si Jurilla at pinatawad lang siya noon ng may-ari ng travel agency.

Nahaharap ngayon si Jurilla sa isang non-bailable na kaso.

Nakakulong si Jurilla sa CIDG-SPD habang hinihintay ang commitment order nito mula sa Korte kung saan siya ililipat ng bilangguan. -- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.