COMELEC chair, kinasuhan ang asawa, sinagot ang mga alegasyon sa kanya

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 06:16 PM | Updated as of Aug 10 2017 04:07 AM

Kinasuhan ni Commission on Elections (Comelec) Chair Andres Bautista ang kanyang misis ng grave coercion, theft at extortion matapos umanong kunin sa kanilang bahay ang ilan niyang passbook, checkbook at iba pang dokumento na sinasabing nagpapakita ng umano'y tagong yaman ng opisyal.

Tinawag din ni Bautista na isang malaking demolition job laban sa kanya ang lahat ng alegasyong ibinabato sa kanya. 

"To me really, there is an orchestrated campaign against me, perhaps against Comelec, maybe against the elections... Ang puno’t dulo nito, kung meron siyang ebidensiya laban sa akin, kung gusto niya, pumunta kami sa husgado." 

Kamakailan ay isiniwalat sa publiko ng kanyang asawang si Patricia Bautista na may P1 bilyon umanong halagang hindi idineklara sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ang chairman.

Nitong Martes, inilantad ni Mrs. Bautista ang 32 passbooks mula sa Luzon Development Bank na naglalaman ng umaabot sa P300 milyong deposito. Nasa P176 milyon lang ang idineklarang yaman ni Bautista sa kanyang SALN bilang Comelec chief noong 2016.

Ipinakita naman ni Bautista na marami sa mga passbook ay closed account na o non-existent. 

Itinanggi rin niya ang kinukuwestiyon ng asawa na umano'y araw-araw na depositong nasa halos P500,000 na nasa passbook umano niya noong 2016. 

Aniya, hindi lang sa kanya ang mga 'financial record' dahil kasama rito ang sa kanyang pamilya. Sasagutin umano ng pamilya Bautista ang lahat ng alegasyon ukol sa hindi maipaliwanag na yaman sa isang press conference sa lalong madaling panahon.

"People know this, that there were investments made by my family with Forex. Problem now is - it was like a pyramid scheme. As I've said, all this will be explained in due time," ani Bautista. 

Idiniin din ni Bautista na walang iregular sa mga nahanap na umano'y Presidential Commission on Good Governance payroll envelopes sa kanyang bahay. Nakapetsa itong 2014 at may lumang pera. 

"It was just an envelope. Sino naglagay ng P15k doon? Pa'no ko malalamang P15k 'yon? Baka planted 'yan."

Iginiit din niyang hindi totoong tumatanggap siya ng komisyon o referral fee mula sa Divina Law office at Smartmatic, ang contractor ng Comelec sa mga nakaraang automated elections.

"In law practice, sometimes what happens is, certain law firms would provide a referral fee, if you bring in a client, and help develop a relationship. In the past, Atty. Divina, gave me some, but it's few and far between...When I was Comelec chair, wala. I can categorically tell you, I have not received any single centavo from Smartmatic, or from Atty. Divina in respect to Smartmatic."

Sinabi ni Bautista na kinandaduhan siya ni Patricia kaya hindi siya nakapasok sa kanilang bahay noong oras na kinukuha umano ng kanyang asawa ang mga nasabing dokumento.

"We were being prevented from entering my own home. Nagmakaawa kami... for two hours, pinahintay kami sa labas. In the end, she realized that there was no legal basis for her to prevent me from coming to our home. Pagkapasok namin, nakita ko 'yung aking mga locked cabinets na binuksan nang puwersahan, at kinuha ang mga dokumento. Kung ano-ano. There was cash there, GCs (gift certificates), ATM, passbook, financial reports, etcetera etcetera, kinuhang lahat. I was shocked," aniya.

Sa huli, demolition job at pera lang ang nakikitang motibo ni Bautista dito. 

Ipinakita rin ni Bautista ang isang sulat mula kay Lorna Kapunan, dating abogado ni Mrs. Bautista, na nagpapakitang P620 milyon ang hinihingi ng misis, at hindi P260 milyon na sinabi niya noong Martes. 

Dagdag pa niya, handa siyang magbitiw pero nais niyang linisin ang kanyang pangalan. 

-- Ulat ni Karen Davila, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.