2 negosyanteng isinasangkot sa shabu mula China, ikinulong sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 10:51 PM

Ikinulong sa Senado ang dalawang Chinese businessmen matapos silang ma-cite for contempt dahil sa pagsisinungaling umano sa naging partisipasyon nila sa naipuslit na shabu mula sa China.

Ginisa sa Senado ang may-ari ng bodega kung saan natagpuan ang kargamento na naglalaman ng P6.4 bilyong halaga ng shabu.

Kuwento ng negosyanteng si Richard Chen sa komite, nalaman lang niyang shabu ang kargamentong dinala sa kanyang warehouse nang tawagan siya ng pinuno ng Bureau of Customs (BOC) sa Xiamen, China.

Humarap din sa komite ang negosyanteng si Manny Li na di rin umano marunong mag-Tagalog.

Giit niya, naghanap lang siya ng trucking company na magdadala ng shipment ni Chen diretso sa kanyang bodega.

Gaya ni Chen, hindi rin alam ni Li kung kanino galing ang shipment at ang pupuntahan nito.

Sabi naman ni Kenneth Dong, nagbigay lang siya ng listahan ng nasa loob ng kargamento. Siya umano ang nagkontak sa EMT Trading ni Mark Taguba para ayusin ang release ng kargamento.

Kalaunan, naglabas na ng mga dokumento si Director Wilkins Villanueva ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- National Capital Region (NCR).

Si Senador Panfilo Lacson, pilit namang pinagsalita si Chen kung saan napunta ang tinatayang nasa 1,800 kilo ng shabu na tantya niya, nakalusot na sa BOC.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ng PDEA na kontaminado na ang nasabat na shabu kaya hindi na puwedeng gamiting ebidensya, ayon kay PDEA Director General Isidro Lapeña.

Sa pagdinig, ipinadetalye ni Richard Gordon sa trucker na si Taguba ang laman ng kanyang isinumiteng listahan ng mga inaayos niya umano sa Customs.

Pero ilang ulit sinabi ni Taguba na wala siyang direktang basehan kung natatanggap ba talaga ng mga nasa listahan niya ang perang ipinaabot niya na nasa P27,000 kada truck.

Sa kauna-unahang pagkakataon, naglabas din ng saloobin sina Magdalo members Milo Maestrecampo at Gerardo Gambala na dawit sa kontrobersiya ngayon.

Wala sa pagdinig si Customs Chief Nicanor Faeldon na naka-confine sa ospital dahil sa pananakit ng dibdib.

Pansamantalang titigil sa Senado sina Chen at Li pero agad silang ililipat sa Pasay City jail oras na mapirmahan na Senate President Koko Pimentel ang kanilang commitment order.

Itutuloy ang pagdinig sa August 15. 

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.