18 anyos pataas, may 5,000 'followers', puwedeng Duterte 'press'

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 09:48 PM | Updated as of Aug 10 2017 04:15 AM

Pormal nang binuksan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga netizen ang pagco-cover ng mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Samantala, muli namang umani ng batikos ang nasabing tanggapan matapos ilathala ng Philippine News Agency (PNA) ang komentaryo ng state news agency ng China tungkol sa agawan ng teritoryo sa South China Sea. 

Ngayong Miyerkoles binuksan ng Palasyo sa mga social media users ang pormal na pagco-cover sa mga aktibidad ng Pangulo, na dati ay limitado lamang sa mga propesyonal na mamamahayag. 

Nakasaad sa interim guidelines na sinumang Filipino na may edad 18 pataas at may higit 5,000 followers sa anumang social media platform ay puwede nang bigyan ng accreditation para i-cover ang pangulo. 

Pangangasiwaan ang accreditation na ito ng bagong buong Social Media Office ng PCOO. Pinangungunahan ito ni Assistant Secretary Mocha Uson, na may sikat na page sa Facebook.

Ite-testing muna ito nang anim na buwan bago magdesisyon ang PCOO kung tuluyang papayagang mag-cover sa Pangulo ang mga netizen. 

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang pamunuan ng Malacañang press corps ukol dito. Sensitibong isyu naman ito sa media na una nang umalma sa usapin ng 'fake news' at pang-aatake mula sa ilang social media users. 

PCOO, PNA, binatikos ukol sa paglathala ng komentaryo ng Tsina kaugnay ng agawan ng teritoryo sa South China Sea

Sa mismong website naman ng Philippine News Agency inilabas noong Linggo ang isang komentaryo tungkol sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea. Lumalabas na galing ito sa Xinhua News Agency, ang state news agency ng Tsina. 

Inalmahan ito ng mga netizen, lalo na nang tawaging 'ill-founded' ang desisyon ng United Nations arbitral tribunal na pumabor sa Pilipinas at sinabing labis ang pag-angkin ng Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea.

Taliwas din ito sa opisyal na posisyon ng gobyerno ng Pilipinas na nangakong isusulong ang arbitral ruling sa Tsina. 

Inalis naman hapon ng Miyerkoles ng PNA ang kontrobersiyal na komentaryo.

Naglabas ng pahayag si Communications Secretary Martin Andanar ngayong hapon, at sinabing 'repost' ang komentaryo ng Xinhua News Agency kung saan may partnership ang PNA. 

Pinagpapaliwanag na rin umano ng PCOO ang PNA kung bakit ini-repost ang nasabing komentaryo. Handa rin umanong kasuhan ang mga nagkulang, kung mayroon man. 

Nauna na ring humingi ng paumanhin noon ang Philippine News Agency matapos maglathala ng 'fake news' sa posisyon ng iba't ibang bansa pagdating sa human rights situation sa Pilipinas. -- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.