Singil sa kuryente, tubig, tataas

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 07:46 PM | Updated as of Aug 08 2017 11:55 PM

Kaunting higpit ng sinturon, mga Kapamilya. Asahan na ang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig simula ngayong Agosto.

Ayon sa Meralco, lalabas na sa bill nitong Agosto ang kabuuang P0.13 na dagdag-singil kada kilowatt hour (kWh).

Kaya para sa mga kumokonsumo ng 200 kWh, asahan ang dagdag singil na P26 sa inyong kuryente. Magiging P65 naman ang dagdag singil sa kumokonsumo ng hanggang 500 kWh.

Ngayong Agosto na rin ang huling bugso ng refund ng Meralco na P0.79.

Kaya ngayon pa lang pinaghahanda na ng Meralco ang kanilang mga customer sa pagdating ng bill sa Setyembre.

Mawawala na kasi ang refund kaya babalik na sa normal level ang singilan sa kuryente.

Aminado ang Meralco, posibleng abutin ng piso kada kWh ang dagdag singil sa Setyembre na katumbas ng pagtaas na P200 hanggang P500 sa bill ng customers.

Samantala, simula August 13, papatak na rin sa water bill ang dagdag singil dahil sa tinatawag na 'foreign currency differential adjustment'.

Epekto ito ng paghina ng palitan ng piso kontra dolyar sa mga utang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at water concessionaires.

Madaragdagan ng P0.27 kada cubic meter ang singil ng Maynilad, habang P0.28 kada cubic meter ang dagdag-singil ng Manila Water sa kani-kanilang customers. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.