'Sarimanok', parol, simbolo ng pagkakaisa sa ASEAN 50

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 10:59 PM | Updated as of Aug 09 2017 01:42 AM

Matagumpay ang pagtatapos ng foreign ministers' meeting ng mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). 

Sa kabila ng pagtalakay ng ilang maiinit na isyu, gaya ng sa North Korea at South China Sea, nagtapos ang pulong sa isang 'joint communique' o pahayag ng foreign ministers.

Hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga foreign minister na pairalin ang pagkakaisa para sa ikabubuti ng 10 ASEAN member-countries. 

Nais isulong ng Pangulo ang mas mabilis at murang kalakalan at pagsugpo sa kahirapan at krimen.
    
Ginanap naman sa Cultural Center of the Philippines complex ang malaking selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN. 

May temang "Under One Light, We Are One Asean" ang selebrasyon ng ASEAN 50.

Tampok ang magarbong cultural show na pinangunahan ng mga delegado at bisita mula sa mga bansa na miyembro ng ASEAN. 

Highlight ng okasyon ang pag-ilaw ng higanteng ASEAN parol na ang disenyo ay mga bandila ng mga bansang miyembro ng ASEAN. 

Kasabay nito, nagkaroon ng lighting ceremony sa iba-ibang ASEAN member countries at mga probinsiya ng bansa.     

Bago naman ang palabas, nagkaroon muna ng ASEAN day grand parade mula Luneta hanggang CCP complex. 

Tampok sa parada ang isang float na ang disenyo ay sarimanok na hango sa alamat ng mga Maranao sa Mindanao. Pininturahan ito ng ASEAN colors. 

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.