SAPUL SA CCTV: Binatilyo, nabiktima ng mga holdaper na may sasakyan

Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 10:55 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:47 AM

Video courtesy of Cheng Bigay

Nakunan ng CCTV ang panghoholdap ng dalawang lalaki sa isang binatilyo sa San Juan City nitong Lunes.

Huli sa CCTV ng Barangay Tibagan, San Juan City ang pagpasok ng isang kotse sa isang eskinita. Dalawang lalaki ang bumaba.

Video courtesy of Barangay Tibagan, San Juan City

Sa CCTV footage naman na kuha ni Cheng Bigay na may time stamp na 10:48 ng gabi, pagkababa ng dalawang lalaki ay lumakad sa kabilang kanto kung saan may nakasalubong silang isang binatilyo na may bag.

Inakmang saksakin ng isang lalaki ang binatilyo at ang isa namang lalaki ay may hawak na baril.

Wala nang nagawa ang binatilyo kundi ibigay ang kanyang bag atsaka umalis ang dalawang magnanakaw pabalik sa eskinitang pinagbabaan sa kanila ng kotse.

Ayon kay kagawad Cris Piquero, naipa-blotter na ng biktima ang insidente.

Cellphone at pera umano ang nakuha sa biktima.

Ipinost ni Kagawad Cris Piquero ang video sa social media at nagpaalala na magingat ang publiko dahil naka-kotse na ang mga magnanakaw ngayon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.