Mga buto ng tao, tali, posas, nahukay sa 'mass grave' sa Ozamiz

ABS-CBN News

Posted at Aug 08 2017 08:38 PM | Updated as of Aug 09 2017 12:38 AM

Nahukay ng mga pulis ang mga pira-pirasong buto ng tao, mga panali, posas, at damit sa isang liblib na lugar sa Ozamiz City. 

Mano-mano ang paghuhukay sa hinihinalang 'mass grave' sa Barangay Capucao, Ozamiz City kaninang umaga.

Mahigit 10 talampakan na ang lalim ng hukay pero maya't maya pa rin ang pag-angat ng mga piraso ng buto at kagamitan.

Hinala ng mga pulis, ginamit ang posas sa mga biktima ng summary execution na itinapon sa hukay.

Lunes ng hapon nang madiskubre ng pulis ang mass grave sa masukal na bahagi ng Barangay Capucao. 

Natunton ng mga pulis ang lugar base na rin sa tip ng nagpakilalang dating 'hitman' ng pamilya Parojinog.

Ayon sa kanya, isa siya sa nagtapon ng mga bangkay sa hukay.

Tinataniman nila ng kawayan ang mga libingan bilang palatandaan.

Ayon pa sa nagpakilalang hitman, mismong si Mayor Aldong Parojinog at Councilor Ardot Parojinog ang nag-uutos nito.

Gagamitin ng pulis ang testimonya ng nagpakilalang hitman para sampahan ng kaso ang mga sangkot sa krimen.

Nasa kustodiya na ng pulis ang nagpakilalang hitman na nagsabing sumuko siya dahil natakot sa kanyang kaligtasan matapos na mawala ang mga kasamahan niya.

Ayon sa Philippine National Police, may iba pang mass grave ang huhukayin sa mga susunod na araw.

Nananawagan naman ang Ozamiz police na makipag-ugnayan agad sa kanila ang mga may nawawalang kamag-anak na hinihinalang biktima ng krimen.

--Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.